Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District -Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang isang itinuturong swindler at fixer ng mga permits sa Manila City Hall, sa isang entrapment operation.
Kinilala ni PMajor Edward Samonte, hepe ng SMaRT,ang suspek na si Arlyn Larueano pero nang beripikahin ng pulisya ay lumalabas na Melody Larueano ang kaniyang pangalan.
Nag-ugat ang pagdakip sa suspek matapos magpunta at humingi ng tulong sa SMaRT,ang isang lalaking negosyante na biktima ng suspek.
Nabatid sa biktima na nilapitan at nagpakilala sa kaniya ang suspek na naglalakad ng mga papeles sa city hall para mapabilis ,pero matapos na makapagbigay ng mahigit sa P20,000, ay wala pang ibinibigay sa kaniya na mga dokumento.
Nadagdagan pa ang pagdududa ng biktima nang hingan pa siya ng P20,000 para maayos daw ang violations o paglabagon niya sa kanyang negosyo.
Kinwestyo ng biktima na paano siya magkakaroon ng violation kung mag-uumpisa pa lang siya ng negosyo.
Ikinasa ang entrapment operation laban sa suspek at inaresto ito sa loob ng Isang opisina sa City Hall habang binibilang ang tinanggap na pera sa biktima.
Nasamsam kay Laureano ang anim na ID na may iba’t -ibang pangalan pero pare-pareho ang litrato.
Kaugnay nito, itinanggi ng suspek ang alegasyon at iginiit na legal lahat ng kaniyang transaksyon.
Naniniwala naman si Samonte na posibleng may kasabwat ang suspek dahil sa nagagawa niyang makakuha ng resibo na pareho ang control number pero iba ang detalye.
Sinampahan ng kasong estafa sa Manila City Prosecutor’s Office ang suspek.