By: JANTZEN ALVIN
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa naganap na fish kill sa Cavite .
Ayon kay PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo,namataan ng Coast Guard Sub -StatIon ang di matukoy na bilang ng mga patay na isda sa bisinidad ng Barangay 61, Cavite City noong Nobyembre 13.
Karamihan umano ng mga namatay na isda ay tilapia. Nabubulok na ang mga ito at apektado na rin ang mga residenteng nakatira sa lugar.
Kaagad naman itong iniulat sa Cavite City local government at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa kaukulang aksiyon.
Nagsagawa naman ng water sampling para sa laboratory analysis ang BFAR personnel para matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Samantala, ang mga nakulektang patay na isda ay itinurn-over sa garbage collector ng Cavite at dinala sa Material Recovery Facilities para sa tamang pagtatapon .
Kaugnay nito, iginiit naman ng pamalakaya na ang posibleng sanhi ng fish kill ay ang nagaganap na reclamation activities sa Manila Bay o water pollution.
“It’s possible kasi hinalukay mo so maaari na lumutang ang mga heavy metal at lason na nakalubog dyan sa matagal nang panahon ,’ayon kay Pamalakaya Chairman Fernando Hicap .
Habang isinisi naman ng mga mangingisda sa “alig” o tubig na may lason ang pagkamatay ng mga isda.














