Umabot sa pitong katao ang nasugatan, kabilang na ang dalawang fire volunteers na ang isa ay binugbog umano ng mga residente, ang sugatan matapos na sumiklab ang sunog sa isang anim na palapag na bodega ng tela at patahian kahapon ng madaling araw sa Juan Luna Street,Tondo, Maynila.
Ang mga nasugatan ay sina FSInsp Charles Bacoco, 31; SFO1 Redentor Gapuz, 40 at SFO1 Erwin Cea, 34; dalawang fire volunteers na nakilalang sina Jordan Salmilao, 30; at Roycid del Rosario, 27; at dalawang sibilyan na nakilalang sina Niña Rucet Cabildo, 21; at Dennis Esteban, 51.
Napag-alaman sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsimula ang sunog ala- 1:50 ng madaling araw sa gusali na matatagpuan sa No. 2774 Juan Luna St., Barangay 186,Tondo at ito ay umabot ng may walong oras bago naapula.
Kabilang sa nasugatan ang isang lalaki at isang babaeng residente na nagtamo ng sugat sa katawan, isang fire volunteer na na-suffocate at isa pa na diumano ay nabugbog ng mga residente sa kasagsagan ng sunog kung saan tatlong bahay ang nadamay.
Ayon sa BFP, nahirapan silang apulain ang apoy dahil sa dami ng nakaimbak na tela at damit sa nasabing gusali.
Samantala, iniimbestigahan ng arson division kung ano ang sanhi ng sunog at halaga ng mga ari-arian na napinsala nito.














