ITINANGHAL na “The Voice” Season 26 winner ang “Filipino Phenom” singer ng Team Bublé na si Sofronio Vasquez.
Ang season finale ay ipinalabas noong Martes ng gabi kung kailan dinaig ni Sofronio ng Team Bublé ang natitirang huling lima pang singers nang makatanggap siya ng pinakamaraming boto mula sa mga manonood.
Kasabay ng titulong “The Voice” winner, makukuha rin ni Vasquez ang $100,000 na premyo at record deal.
Hindi lamang naitala ni coach Michael Bublé ang kanyang unang panalo, siya rin ang nag-iisang coach na nagkaroon ng dalawang kalahok sa top five na kalaunan ay naging huling dalawa, kasama ang 17-taong-gulang na performer ng New York na si Shye bilang runner-up.
Napaluhod naman si Vasquez matapos i-announce na siya ang nanalo habang naiyak naman si Bublé.
“My Filipino brother, you are the hope of so many people… it has been such an unbelievable journey to be here with you,” sabi ni Bublé kay Vasquez bago pa i-announce na siya ang winner.
Pinahanga ni Vasquez, 32-anyos na taga-Mindanao, ang American audience kasunod ng dalawang electric performances niya noong Lunes ng gabi — ang “Unstoppable” ni Sia at “A Million Dreams” mula sa “The Greatest Showman.”
“Ang iyong mentorship ay isang pagpapala sa akin, sa aking pamilya at sa lahat ng mga nangangarap doon. Nabuksan mo ang napakaraming pintuan,” pahayag naman ni Vasquez sa kanyang coach na si Buble bago ang kanyang panalo.