Pinuri ng Simbahang Katoliko ang pagiging masigasig ng mga Filipino sa pakikibahagi sa Simbang gabi matapos ang dalawang taon na nasa pandemya ng COVID19 ang bansa.
Nabatid na opisyal na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang misa sa unang araw nang pagidiriwang ng mga Pilipino ng simbang gabi.
Nagpasalamat rin su Cardinal Advincula sa aktibong pakikibahagi ng mananampalataya sa simbang gabi
“Liwanag, kapunuan at pagsasama-sama,”naman ang naging mensahe ni Advincula sa pagidiriwang ng mga Pilipino ng simbang gabi o siyam na araw na misa nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
“Si Hesus ang liwanag ng daigdig na tatanglaw sa atin. Si Hesus ang tinapay ng buhay na bubusog sa ating mga gutom. Si Hesus ang Emmanuel na kalakbay at kakampi natin sa buhay,” ayon pa kay Cardinal Advincula.
Binigyan-diin pa ni Cardinal Advincula na ang mga karanasan tuwing simbang gabi ang dahilan sa pagiging masigasig ng mamamayan upang buuin ang pagdalo sa siyam na araw na nobenaryo.
Umaasa naman si Cardinal Advincula na hindi lamang sa mga simbang gabi aktibo ang mananampalataya kundi sa bawat araw o linggong pakikibahagi sa Eukaristiya. (Anthony Quindoy)














