OPISYAL na pinasimulan ng Commission on Election kahapon ang filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tatagal hanggang Nobyembre 9, 2024.
Ito ay sa likod ng banta na may mga nagbabalak na maghahain ng panukala sa Kongreso para ipatigil ang kauna-unahang automated parliamentary election ng Bangsamoro kaugnay na rin sa isyu ng ‘inclusion’ ng lalawigan ng Sulu.
Ayon kay COMELEC chairman George Erwin Garcia, nagtungo siya sa Cotabato para ipakita na hindi nagpapa-apekto ang Komisyon sa mga maaring i-file na panukalang batas ng pagpo-postpone ng Bangsamoro parliamentary election, dahil hangga’t wala umanong batas ay tuloy- tuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa gaganaping botohan.
“Doon sa mga may agam , nagdadalawang isip na mga kababayan natin, nandito mismo ang inyong Komisyon, and we are willing and able, and we will be accepting all you COCs beginning today (Monday November 4) up to the ninth (9th) of November (2024) ani Comm. Garcia.
Kahapon ay nakipagpulong din si Garcia sa ginanap na Regional Joint Security Control Center Meeting sa Cotabato City kaugnay sa magaganap na 2025 National and local elections at ng kauna-unahang BARMM parliamentary election, kung saan tinatalakay din ang pagmamantina ng seguridad sa buong nasasakupan ng rehiyon.
Nag-deploy ng karagdagang tauhan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa Bangsamoro region bago ang filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections sa lugar bukod pa sa nakatakdang 2025 national and local elections.
Sinabi ni Garcia na ang pagtaas ng presensya ng mga kasundaluhan at pulisya ay makatutulong upang masiguro ang kapayapaan at seguridad ng proseso ng COC filing sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nilinaw ni Garcia na ang pagtatalaga ng dagdag na puwersa ng military at pulis sa area ay hindi dapat tingnan na itinuturing ng gobyerno ang BARMM bilang pugad ng karahasan sa botohan. Layunin lamang umano nito na matiyak na may sapat na puwersa bilang standby basis sakaling kailanganin.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Garcia na mapanatili ng AFP at PNP ang kapayapaan at kaayusan, hindi lamang para sa paghahain ng COCs kundi hanggang sa Eleksyon 2025.














