HINANGAAN ni Department of Interior and Local Government Secretary ang isang kasapi ng Filipino-Chinese community Fire Volunteer group sa ipinakita nitong dedikasyon sa pag- apula ng apoy kahit na nakikita niyang nasusunog na din ang kanyang sariling bahay.
“I wish to convey my genuine commiseration and respect to fire volunteer John Justin Gagarin of the Leveriza-Malate Fire and Rescue,” pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Pinuri ng kalihim ang ipinakitang kakaibang tapang at dedikasyon ni Gagarin na tumupad sa kanyang tungkulin bilang isang tagapamatay-sunog o firefighter habang nilalamon din ng apoy ang kanyang bahay sa sunog na kanilang nirespondehan sa Malate Maynila.
Tumulo na lamang umano ang luha ng bumbero habang inaapula ang apoy sa kapaligiran samantalang natutupok rin ang kanyang sariling bahay .
“The valor and sacrifice he demonstrated by choosing to help other victims first, instead of saving his own home is truly a topnotch display of heroism that is an inspiration to us all,” ani Sec. Abalos.
“Mabuhay ka, John Justin Gagarin, kasama ang libo-libong mga bumberong patuloy na iniaalay ang mga sarili para sa pagtupad ng kanilang tungkulin, na magligtas ng ating mga kababayan na biktima ng sunog at iba pang mga kalamidad,” pahayag pa ng kalihim.