Latest News

FETUS, NATAGPUAN SA BASURAHAN NG CONDO BASEMENT

By: Baby Cuevas

NAKABALOT sa “adult diaper” bago inilagay sa isang kulay puting plastic na supot at itinapon sa basurahan ang isang lalaking fetus na nadiskubre nitong Lunes ng hapon ng isang housekeeping personnel ng isang condominium na matatagpuan sa Malate, Maynila.

Napag-alaman kay PMSg Roderick Magpale,imbestigador ng Manila Police District – Homicide Section, alas-4:30 ng hapon nang makita ni Morsi Ambak,28, housekeeping sa Admiral Baysuit Residences na matatagpuan sa Aldecoa St. Malate,Maynila,ang fetus sa loob ng basurahan.

Ang naturang basurahan ay nasa pagitan umano ng 17th Floor at 30th floor kaya hinihinala na doon itinapon ang fetus na itinatayang nasa 24 na linggo na ang edad.


Pinaghihiwa-hiwalay umano ni Ambak ang mga basura na itatapon nang makita ang isang plastic na kulay puti na may lamang adult diaper at nang tingnan ay tumambad sa kanya ang fetus na may nakakabit pang inunan.

Agad na ipinagbigay-alam ni Ambak sa security ang nakitang fetus at ang huli ang siyang tumawag sa MPD-hs para sa kaukulang aksyon.


Tags: Manila Police District-homicide section

You May Also Like