INIHAYAG ng New NAIA Infrastracture Corporation (NNIC) ang planong pagpapatupad sa “facial recognition technology” sa Ninoy Aquino International Airport Terminals (NAIA) para sa mas mabilis at maayos na pag-proseso sa international at domestic passengers.
Ito ang napag-alaman mula kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines, na nagsabing ang naturang plano ay inaasahang ipatutupad ng NNIC sa lalong madaling panahon.
Ang anunsiyo ng nasabing plano ay naganap sa pagbisita ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa NAIA Terminal 3, kung saan siya ay sinamahan nina NNIC chairman Ramon S. Ang, MIAA general manager Ines, Transportation Secretary Vince Dizon, Justice Sec. Crispin Remulla at Department of Migrant Workers’ head Hans Cacdac, gahundin nina NNIC manager Lito Alvarez at NNIC special adviser Cesar Chiong.
“We’re trying to make life easier for them, mabilis at hindi na hahanapan pa ng kung ano-anong identification, mukha lang puwede na at hindi na kailangang kunin pa passport magkakaroon din tayo nyan at malapit na,” ani President Marcos, na partikular na tinukoy ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni Pangulong Marcos na kapag natuloy na ang plano, di na kailangang maglabas ng pasaporte o anumang dokumento ang mga pasahero at ang pag-proseso sa kanila ay magiging mas maayos at mabilis na.
Sa kanyang pagbisita sa NAIA, ininspeksyon din ni Pangulong Marcos ang mga pasilidad na inilagay ng NNIC sa NAIA Terminal 3, kabilang na ang bagong OFW Immigration Annex, OFW Lounge at OFWs Rest Area, Transport Network Vehicle Service Area at arrival service area at binisita din niya ang immigration area.














