Kasalukuyang pinag-aaralan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na paganahin ang mga naka-install na facial recognition camera sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa susunod na taon.
Napag-alaman kay MIAA General Manager Cesar Chiong na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa mga kinauukulang ahensiya para sa naturang proyekto.
Sa pamamagitan ng bagong Sistema ay matutukoy din umano kung ang isang indibidwal ay may kaso o ‘wanted.’
Ani Chiong, mahalagang masimulan nang paganahin ang mga nasabing camera sa gitna ng pagtanggal na sa ‘initial security screening’ sa departure area ng NAIA terminal 1. Isinagawa ang dryrun nito noong December 1, 2022.
Inaasahan na ang paggamit ng facial recognition camera at barcode ay magpapaigting sa hakbangin upang matiyak na walang makalulusot na may pekeng identification cards sa loob ng Paliparan.
Nauna rito ay iniatas ni Chiong ang malalimang imbestigasyon sa gitna ng nabunyag na modus operandi ng human trafficking kung saan tatlong Pilipino ang nakalusot papuntang Myanmar gamit umano ang pekeng access passes at pekeng immigration stamps sa pasaporte.
Ani Chiong, sasampahan ng kaukulang kaso ang sinumang mapapatunayang may kinalaman sa naturang anomalya at binigyang-diin nito na walang lugar ang mga ganitong gawain sa MIAA. (JERRY S. TAN)