Face mask, ‘di panangga sa mpox — DOH

By: Jaymel Manuel

BINIGYANG-LINAW ng Department of Health (DOH) na hindi panangga ang face masks laban sa sakit na mpox.

Sa halip, pinayuhan nito ang publiko na umiwas na magkaroon ng close contact sa mga taong infected ng mpox.


Sinabi ni DOH Spokesman at Assistant Secretary Albert Domingo na walang dahilan upang magtaas ang presyo ng mga facemasks dahil hindi naman ito mabisang panangga laban sa mpox.

Ayon pa kay Domingo, ang mpox ay hindi airborne kaya’t hindi makatutulong ang facemasks upang iwasan ito.

Kahit nakasuot ng facemask ang isang tao, kung magkakaroon naman ito ng close contact at makikipaghalikan o makikipagyakapan pa rin sa taong infected ng sakit ay maaari pa rin umanong mahawahan.


“Hindi face masks ang panangga sa mpox. Wag nilang tataasan ang presyo at wag nilang sabihin na mataas ang demand dahil DOH na ang nagsasabi na hindi ‘yan ang ginagamit sa mpox. Pwede kang mag face mask pero kung mag ki-kissing ka pa rin, hugging-hugging, makakakuha ka pa rin ng mpox,” dagdag pa ni Domingo.

Aniya, ang mpox ay hindi rin isang sexually-transmitted disease dahil kahit maghalikan o magyakapan lang ay maaari nang mahawa nito.


“Sa mpox, kahit hindi ka nagkaroon ng pagtatalik, kahit yumakap ka lang, or kahit humalik ka lang, which is strictly speaking not sex, pwede ka pa ring makakuha ng mpox. Ang importante dito ay ‘yung balat sa balat,” dagdag pa niya.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mpox ay isang viral illness na maaaring magdulot ng masasakit na rashes, paglaik ng lymph nodes, lagnat, pananakit ng ulo, kalamanan at likod at pagbaba ng enerhiya.


Diumano, maaari itong maihawa sa ibang tao sa pamamagitan ng close contact, gaya ng skin-to-skin contact o pagyayakapan o pakikipagtalik; mouth-to-mouth o mouth-to-skin contact, gaya ng paghahalikan, at pakikipag-face-to-face sa isang taong may mpox, gaya nang pag-uusap nang malapitan.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like