Boluntaryo lamang ang pagsusuot ng face mask at regular na paghuhugas ng kamay upang makaiwas sa pertussis.
Ayon sa Department of Health (DOH), hindi nito inirerekomenda ang pagpapatupad ng lockdown o ‘mandatory wearing’ ng face masks nang dahil sa naturang sakit.
Gayunman, sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Eric Tayag na hinihikayat nila ang publiko na ugaliin ang boluntaryong pagsuot ng face mask at paghuhugas ng kamay at ang pananatili sa bahay kung may ubo upang hindi makahawa ng iba.
Para naman makaiwas sa pertussis at iba pang respiratory infections ay mas mainam umanong pumili ng mga lugar na mayroong maayos na bentilasyon dahil maraming lugar sa bansa ngayon ang nananatiling nakaalerto dahil sa nagaganap na hawahan ng pertussis, partikular na sa mga paslit, ayon kay Tayag.
Napag-alamang may 10 rehiyon sa bansa ang nakakapagtala pa ng pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit at inaasahan rin aniya na lalo pang tataas ang bilang ng pertussis cases sa mga susunod na araw.
Sa National Capital Region (NCR) ay nakapagtala umano ang DOH ng pagbagal sa pagtaas ng mga kaso ng persussis.














