TARGET ng US National Guard na ituloy at higit pang palawakin ang mga bilateral engagements sa Philippine Army (PA) upang palakasin ang kakayahan ng dalawang hukbo sa pagtugon sa mga sakuna at national emergencies.
Ito ang lumabas sa naganap na pag- uusap nina US National Guard Bureau chief Gen. Daniel Robert P. Hokanson at Maj. General Potenciano C. Camba Philippine Army chief of staff na siya ring sumalubong sa US official sa Army headquarters sa Fort Bonifacio, Metro Manila.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad , kinumpirma nito ang kagustuhan ni Gen. Hokanson na magsagawa ang US National Guard Bureau ng bilateral engagements sa Hukbong Katihan upang higit pang mapalakas ang kanilang kapasidad at humanitarian response.
Nabatid na bumisita si Hokanson sa Pilipinas upang obserbahan ang State Partnership Program ng bansa kasama ang mga counterpart mula sa National Guard ng Guam at Hawaii.
Sa nasabing dialogue ay tinalakay din ang pag-unlad ng reserve force at ang pinakamahusay na mga kasanayan sa pamamahala ng reserve component ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, inihayag naman ni MGen. Camba ang kahandaan ng Philippine Army na makipagtulungan sa National Guard ng Estados Unidos upang maisulong ang pagbuo ng isang bahagi ng reserve force bilang isang vital force multiplier para sa pagtatanggol ng bansa.
Una na rito, ipinarating din ni Maj. Gen. Camba ang kanyang pasasalamat sa US National Guard Bureau para sa walang patid na suporta nito sa Pilipinas sa mga tuntunin ng iba’t ibang larangan ng kooperasyon.