Dinakip ng mga tauhan ng J. Bocobo Police Community Precinct ang isang dating miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) matapos magpaputok umano ng baril, kamakalawa ng gabi sa Ermita,Maynila
Nadamay ang isang caretaker nang kuwestiyunin ang ginawang pag-aresto ng mga pulis.
Ang mga inaresto ay kinilalang si Clande Cervantes ,46, caretaker, dating miyembro ng SAF at residente ng Ermita, Maynila at isang alyas ‘Cleo Mangandili’, 50, caretaker, ng M.H. Del Pilar Street sa Ermita na umano ay nakialam at kinuwestiyon ang ginawang pag-aresto sa una.
Ayon sa Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station (PS-5), alas-9:55 ng gabi nang maganap ang insidente sa isang bakanteng lote na matatagpuan sa Arquiza kanto ng Guerrero Streets sa Ermita.
Nagpapatrulya umano ang mga barangay tanod sa lugar nang makarinig ng putok ng baril at isang concerned citizen ang nagsumbong hinggil sa isang lalaking may hawak na baril sa naturang lugar.
Nang makumpirma ang sumbong, kaagad nang inireport ng mga barangay tanod ang insidente sa mga tauhan ng J. Bocobo Police Community Precinct (PCP).
Mabilis namang rumesponde ang mga pulis sa lugar at inaresto ang suspek, habang nadamay naman si ‘Cleo’ nang tinangkang mamagitan at kuwestiyunin ang pag-aresto ng mga pulis sa suspek.
Nakumpiska ng mga pulis ang isang kalibre .45 baril sa ibabaw ng gulong ng isang nakaparadang sasakyan, gayundin ang isang ‘fired cartridge shell’ at dalawang live ammunition.
Samantala, sasampahan ng kasong indiscriminate firing at paglabag sa Republic Act 10591 si Cervantes habang si Cleo naman ay sasampahan ng kasong obstruction sa Manila Prosecutor’s Office.