By: JANTZEN ALVIN
INIUTOS ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang paghahain ng kaso sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa isang dating ahente na nakagawa diumano ng “kasuklam-suklam” na asal sa naganap na operasyon noong Setyembre 11,2024 sa Makati City.
Ayon kay Santiago, ito ay may kinalaman sa ginawang pag- aresto sa isang Vietnamese national na si Nguyen Thi Thu Jan at mga kasabwat diumano nitong mga Filipino.
“The filing of cases underscores the policy of non-tolerance for any improper and irregular behavior,” ayon sa pahayag ng NBI.
“This incident, however, exceeds mere impropriety and irregularity by far. It is illegal, unlawful, unethical, gruesome, grotesque and outrightly unacceptable,” dagdag pa nito.
Napag-alaman na nakarating sa tanggapan ni Santiago ang nangyari at ipinatawag nito ang NBI agent at kinumpronta at sa kahihiyan ng ahente ay nag-resign ito sa kanyang tungkulin.
Kasunod nito, inatasan ni Santiago ang Internal Affairs Division na magsagawa ng imbestigasyon at pinagbawalan ang NBI-Special Task Force na nagsagawa ng anumang operasyon at iniutos rin na i-overhaul ang STF.
Kaugnay niyan ay tiniyak ni Santiago na may pagkakalagyan ang mga ahente ng NBI na gagawa ng mga iregularidad.