Nakatakda umanong bawiin ng isa pang prosecution witness ang kanyang testimonya sa nalalabing drug case ni dating Senator Leila de Lima.
Sinabi ni defense lawyer Atty. Felimon Tacardo na ang testigo ay si retired Police Brigadier General Jerry Valeroso, dating imbestigador mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nagsumite na umano ng kanyang ” Letter of Intent to Recant ” kay Judge Gener Gito ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206.
Sa kanyang liham na may petsang Disyembre 18 ,2023, ipinasiya umano niyang i-recant ang kanyang testimonya para mapalaya na ang lahat ng akusado na hindi tamang kinasuhan sa korte at para ihayag sa korte na ang alegasyon sa mga akusado ay haka-haka lamang at pawang kasinungalingan.
Una nang tumestigo si Valeroso at sinabi nitong nakita niya si De Lima noong ito ay kalihim pa ng Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng administrasyong Aquino, nang dumalo sa concert ng convicted drug lord na si Herbert Colanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Valeroso sa kanyang liham na, noong 2019 pa niya ikinukunsidera na bawiin ang kanyang testimonya pero hindi niya ginawa dahil sa.pangamba sa kanyang buhay at kaligtasan ng kanyang pamilya.
Si De Lima na nakakalaya dahil sa piyansa ay inakusahan na nag-benepisyo mula sa illegal drug trade sa loob ng NBP noong siya ay kalihim ng DOJ.
Ito ay paulit-ulit na itinanggi ni De Lima at sinabing political persecution ito sa bahagi ng administrasyon Duterte.
Kaugnay nito, napag-alaman na may siyam pa na prosecution witness ang nagpahayag ng intensiyon na mag- recant ng kanilang testimonya, kabilang ang pitong inmate na inilipat sa ibang jail facility dahil sa banta sa kanilang buhay.














