AGAD na nasawi ang isang dating barangay chairman sa Maynila, nang ito ay magbaril diumano sa sentido, kamakalawa ng umaga sa loob ng Cluster B ,Building 2 ng Manila North Green Park Cemetery sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni Pat. Butch Baladjay ng Manila Police District – Homicide Section, ang 57-anyos na biktima ay dating chairman ng Barangay 16 at naninirahan sa Tondo, Maynila.
Siya ay natagpuang duguan, walang buhay, nakahandusay at may tama ng bala sa kaliwang sentido ng mga saksing sina Manuel Santos, 41 at Napoleon Roberos, 54, kapwa construction worker, sa loob ng Building 2 dakong alas-11:04 ng umaga.
May ginagawa umano sila sa hagdanan sa ikatlong palapag ng nasabing gusali nang makarinig sila ng malakas na putok, kaya tinignan nila ang pinagmulan ng putok. Doon nila nakita ang nakahandusay at duguan na biktima at ito ay kaagad nilang ipinagbigay-alam sa security officer.
Natagpuan rin sa tabi ng biktima ang isang .45 baril na may kargang tatlong bala.
Patuloy namang inaalam ng pulisya kung may ‘foul play’ at ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.














