ITINATAYANG nasa P20.4 million halaga ng shabu ang na-recover ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-PDEA Sulu Provincial Office sa naarestong dating Barangay Chairman at kasabwat nito sa isinagawang anti-narcotics operation sa Barangay Tulay, Jolo, Sulu kamakalawa ng gabi .
Kinilala ng PDEA ang mga nadakip na suspek na sina Sali Salim Tating, alyas Kael, 58, at kasama nitong si Sherwin Hapasain Talib, dating barangay chairman, 39 anyos, habang pakay naman ng manhunt operation ang isang Wilnor Abduhalim, alyas Hadji, na nagawang makatakas sa kasagsagan ng ikinasang buy-bust operation ng mga anti-illegal drugs agents.
Nakuha sa kanila ang tatlong pirasong ng golden packs with refined Chinese tea bags, na may Chinese characters label na’ GUAN YIN WANG’, na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na nasa tatlong kilo ang timbang, dalawang units ng mobile phones at iba’t- ibang identification cards.
Katuwang sa nasabing buy-bust sting ang PNP- 5th Special Action Battalion, Special Action Company Special Action Force, Sulu Police Provincial Office Provincial Intelligence Unit (SPPO PIU), National Intelligence Central Agency Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (NICA BARMM), Jolo Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit IX (RIU IX), 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), 2nd Provincial Mobile Force Company (2nd PMFC), Criminal Investigation, Detection Group IX (CIDG IX) at Sulu Maritime Group.
Una rito ay inihayag ng PDEA na umabot na sa P51.14 billion ang halaga ng iligal na droga na nakumpiska ng ahensya mula July 2022 o mula nang maupo ang administrasyong Marcos hanggang nitong October 2024.
Kabilang sa mga nakumpiska ay shabu, cocaine, ecstasy at marijuana at ayon sa PDEA, resulta ito ng mahigit 87,000 anti-drug operations na isinagawa nila.
Mahigit 119,000 drug personalities naman ang naaresto kabilang ang mahigit 7,000 high value targets habang nasa mahigit 1,200 naman na mga laboratoryo ang nalansag at umabot na sa 29,211 ang drug- cleared na barangays.














