EVACUEES, PINATATAMBAY MUNA, BULUSAN, POSIBLENG PUMUTOK PA ULI

PINAYUHAN ng mga awtoridad na huwag munang payagan ng mga local government units na makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente inilikas mula sa mga bayan na apektado ng ashfall sa muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon nuong Linggo.

Posibleng pumutok pang muli ang Bulkang Bulusan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Ito ay kasunod ng ginagawang monitoring ng Phivolcs, Sa huling observation ng mga eksperto kahapon ay naglabas ng singaw (steam) na namataan sa bahagi ng Casiguran, Sorsogon nitong Lunes.

“Ito ay mangyayari kapag ang usok ay may pressure. Kung tuloy-tuloy lang paglabas, mas maigi na ‘yan kaysa makaipon ng pressure. Pero kailangan nating pag-ingatan na talagang possible pang magkaroon ng mga pagsabog,” ani Phivolcs Director Renato Solidum

Ang bahagyang pagtaas ng volcanic earthquake, steam/gas activity, sporadic explosions mula sa existing o new vents at bahagyang inflation o pamamaga ng edipisyo ng Bulusan Volcano ay naobserbahan ayon sa pinakahuling advisory ng Phivolcs


“Posible namang magkaroon pa ng mga pagsabog sa Bulusan, usually character niya ‘yang mga phreatic eruption episodes ay hindi lang 1 o 2, minsan mas marami,” ani Phivolcs director Renato Solidum nitong Lunes.

Muling sumabog nitong madaling-araw ng Linggo ang bulkan, na ayon sa mga awtoridad ay mas malakas kompara sa pagputok nito noong Hunyo 5. Ayon kay Solidum, patuloy pa rin ang pag-aalburoto ng Bulkang Bulusan.


“Patuloy po ang paglalabas ng usok sa Bulkang Bulusan pagkatapos po ng pagsabog kahapon ng madaling-araw. At sa 24 na oras, magmula alas-5 ng umaga kahapon, hanggang kanina alas-5, may kulang-kulang na 100 ‘no, around 97 volcanic earthquakes,” sabi ng opisyal.

Patuloy na pinag-iingat ang mga taga-Sorsogon sa masamang epekto ng pagsabog ng bulkan.


“Siguraduhing may bitbit parating mga mask para naman pong may pagbagsak ng abo ay maisuot ito, maigi kung N95, at kung nasa bahay naman ay manatili sa loob ng bahay o pumasok sa loob ng bahay habang may pagbagsak ng abo,” bilin ni Solidum.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga kababayan nating malapit sa ilog ang mga bahay, bantayan kung may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan dahil baka magkaroon ng baha na may putik o di kaya ay lahar,” ani Solidum.

Nabatid na alas-3:37 ng madaling araw nitong Linggo ay muling pumutok ang bulkan, isang linggo lang makaraan itong sumabog noong June 5.



Bukod sa bayan ng Juban, naabot din ng ashfall ang mga bayan ng Casiguran at Magallanes

Samantala, sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng 106 na volcanic earthquakes sa paligid ng Bulkang Bulusan, 48 rito ay volcanic tremors na tumatagal ng 20 minuto.

Napansin din ng PHIVOLCS ang malaking buga ng usok ng bulkan na may 500 metro ang taas mula sa bunganga nito.

Naglabas din ang bulkan ng 4,627 tonelada ng sulfur dioxide .

Nananatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan kung kaya’t pinagbabawalan pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone at 2-kilometer extended danger zone.

Samantala abala ngayon ang mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ng PCG Station Sorsogon maging ang mga tauhan ng pamatay sunog sa lalawigan sa pamamahagi ng water supply sa mga residente na apektado sa pagsabog particular sa Barangay Lajong, Juban, Sorsogon maghapon nitong araw, ika-13 ng Hunyo 2022.

Katuwang ng Juban LGU ang PCG sa pagsisiguro na naibibigay ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya habang binabantayan ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Mount Bulusan.

Tiwala si Sorsogon Governor Chiz Escudero na makakabalik na ngayon sa kani kanilang bahay ang mga residenteng nagsilikas.

“We have experienced Bulusan for several years now. The earliest recorded data was in 1852. There have been 39 recorded eruptions of Mt. Bulusan, all of those were only phreatic eruptions. Meaning ashfall lamang ang bInabagsak ng Bulusan.

Sanay na umano ang mga residente sa character ng bulkan na madalas ay phreatic explosion lamang. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)

You May Also Like

Most Read