NAGPAHATID ng kanilang pasasalamat ang European Union sa suporta ng Pilipinas sa United Nation General Assembly (UNGA) kaugnay ng panawagan na itigil na ng Russia ang ginagawa nitong pag-atake sa Ukraine.
Ipinarating ni European Union (EU) Ambassador to the ASEAN at kasalukuyang EU Special Envoy to Myanmar Igor Driesmans ang mensahe nang mag courtesy call ito kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Department of National Defense sa Camp Gen E. Aguinaldo, Quezon City .
Pinasalamatan ni EU Amb. Igor Driesmans si Sec Lorenzana sa suporta ng Pilipinas para sa United Nation General Assembly Resolution na nag-aatas sa Russia na itigil na ang kanilang military operation sa Ukraine sa lalong madaling panahon.
Kapwa nagpahayag sina Secretary Lorenzana at EU ambassador ng pag-aalala sa nagaganap ngayon sa Ukraine.
Ayon kay Ambassador Driesmans, lubha siyang nag aalala sa kalagayan ng mga sibilyan sa humanitarian corridor.
Sa panig naman ni Sec. Lorenzana, pinasalamatan nito ang European Union sa kanilang tuloy-tuloy na panawagan para sa kapayapaan at seguridad sa South China Sea/West Philippine Sea (SCS/WPS) at pagtalima sa international law, at pagsunod sa rules-based order sa rehiyon.
Ibinahagi rin ng kalihim ang patuloy na panliligalig at tila paghahamon (harassment and provocations) ng China.
Binigay rin nitong halimbawa ang muntikan nang collision sa pagitan ng Chinese at US naval ship may ilang taon na ang nakalipas na maaaring maging sanhi ng posibleng miscalculations at sakuna sa karagatan.
Kaugnay sa nasabing pagbisita, inihayag ni Ambassador Driesmans na ngayong taon ang ika- 45th Anniversary ng pagkakatatag ng ASEAN-EU Dialogue Relations at plano nilang maging host ng Commemorative Summit bago matapos ang taon.
Ibinahagi rin nito ang political commitment ng EU sa ASEAN at umaasang maisusulong ang kanilang aplikasyon sa Observership Program ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM)-Plus Expert’ Working Groups (EWGs). (VICTOR BALDEMOR)