Estudyanteng naligo sa ilog ng Wawa, nalunod, patay

By: Philip Reyes

Nasawi ang isang estudyante nang malunod habang naliligo sa Wawa River sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.

Wala ng buhay ang biktimang nakilala lang na si Sherwin James Monleon nang matagpuan ng rescue team.

Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-2:40 ng hapon nang maganap ang insidente sa Wawa River, sa Sitio Katwiran, Brgy. San Rafael, sa Rodriguez.


Nauna rito, nagkayayaan umano ang biktima at kanyang mga kaklase na magpiknik at maligo sa ilog.

Gayunman, napadpad umano ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog, sanhi upang mapagod ito sa paglangoy at tuluyang anurin ng malakas na agos patungo sa gitna ng ilog.

Nakita naman umano ng mga kasamahan ng biktima ang pangyayari kaya’t kaagad na humingi ng tulong.

Mabilis na nagsagawa ng search and rescue ang mga awtoridad mula sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal, MDRRMO at Philippine Cost Guard (PCG) ngunit bangkay na ng matagpuan ang biktima dakong alas-10:35 ng gabi.


Bandang alas-12:20 naman ng madaling araw nitong Biyernes nang maireport ang pangyayari sa pulisya.

Tags: Rodriguez Municipal Police Station

You May Also Like

Most Read