Patay ang isang 20-anyos matapos paulit-ulit na hatawin ng hollow blocks sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan ng siyam na suspek, kamakalawa ng umaga sa labas ng isang restobar sa Tondo,Maynila.
Kinilala ni PSMS Boy Niño Baladjay,imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ang biktimang si Randall Bonifacio, 20, ng No. 3192 Int 22, Pilar St., Brgy 199, Tondo, Maynila.
Napag-alaman na kahapon lamang nagtungo sa tanggapan ng MPD,ang mga magulang ng biktima para pormal na magsampa ng demanda laban sa mga suspek, dahil ipinalibing muna nila ang biktima.
Naganap ang insidente noong Oktubre 20, alas- 5:10 ng madaling araw sa harap ng Baluarte Bar and Restaurant na matatagpuan sa 631 North Bay Boulevard., Tondo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon, kasama umano ng biktima ang kanyang mga kaibigan na nag-inuman sa loob ng restobar at nasa labas na sila nang biglang paluin ng hollow blocks ang biktima ng isa sa suspek na nakasabay nilang mag-inuman sa loob.
Nang bumagsak ang biktima ay nagpulasan ng takbo ang mga suspek, habang isinugod naman sa Tondo Medical Center ang biktima, kung saan namatay ito kinabukasan ng madaling araw dahil sa tinamong pinsala.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa krimen para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.