PATAY ang isang 21 anyos na studyante matapos masangkot sa rambulan ng dalawang grupo sa isang bar sa J. Camus extension sa Barangay 9-A. Davao City.
Kinilala ng San Pedro Police Station 2 ang biktima na si Amir Pulanon Mangacop, 21 anyos at residente ng Bacaca Barangay 19-B.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng San Pedro Police na nag iinuman ang dalawang grupo ng mga lalaki sa lugar nang biglang sumiklab ang kaguluhan na na-uwi sa rambol.
Sinita sila ng pulis na dumating sa lugar, pero hindi nagpapigil ang mga ito, isang lalaki mula sa nakaaway na grupo ang nakuyog at pinaggugulpi.
Dahil dito, napilitang bumunot ng baril ang lalaking binugbog at binaril ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Agad naaresto ang suspek.
Dinala ang biktima sa ospital pero idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Ang suspek ay isang non-uniformed personnel doctor ng Police Regional Office XI at nasa kustodiya na ng San Pedro Police Station 2.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang registered .9mm Glock 43 na may isang magazine, at narekober sa crime scene ang 9 na mga basyo ng bala. (VICTOR BALDEMOR)