Patay ang isang estudyante matapos umanong magsaksak sa sarili nang mapagalitan ng nakatatandang kapatid habang sila ay nag-iinuman sa kanilang tahanan sa Tondo, Manila nitong Linggo ng gabi.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Jaymark Benedicto, 20, ng 440 Gate 20, Area H, Brgy. 20, Parola, Tondo, Manila dahil sa isang saksak sa dibdib, na tumagos sa kanyang puso.
Batay sa ulat ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-10:55 ng gabi nang maganap ang insidente sa tahanan mismo ng biktima.
Nauna rito, masaya umanong nag-iinuman ang magkakapatid na Benedicto, nang mapagalitan ang biktima ng kanyang kuya hinggil sa pagkamatay ng isa pa nilang kapatid na lalaki dahil sa isyung pangkalusugan.
Nagulat na lamang umano ang lahat ng bigla na lang damputin ng biktima ang isang kutsilyo at kaagad na itinarak sa kanyang dibdib.
Mabilis namang isinugod ng kanyang mga kapatid ang biktima sa pagamutan ngunit patay na ito. (Philip Reyes)














