Labis na depresyon dahil sa pagkaka-stroke ng kanyang ama at pagka-aresto sa kanyang kuya ang diumano ay nagtulak sa isang 20-anyos na estudyante para magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili,kamakalawa ng gabi sa Sampaloc,Maynila.
Alas-6 ng gabi nang madiskubre ang pagpapakamatay ng biktimang kinilala lamang na si Marjorie Anne,20,hotel and restaurant management, estudyante sa National Teacher College at taga Sampaloc,Maynila.
Sa imbestigasyon ni Pat. Christian Joseph Pineda ng Manila Police District-homicide section,sinabi ng tiyahin ng biktima na dumating ito sa kanyang bahay buhat sa trabaho at nagpahinga sa kanyang receiving room.
Maya-maya pa ay naramdaman niya na parang may nakatayo sa kanyang likuran at nang silipin ay nakita na nakabigti na ang biktima gamit ang kulay asul na nylon cord.
Tinangka umano ni Cordero na buksan ang pintuan pero naka-lock ito at nasa biktima ang susi kaya humingi siya ng tulong para puwersahang mabuksan ang pinto.
Ayon kay Cordero, naging malulungkutin na ang biktima matapos na maaresto ang kanyang kuya noong 2021 na sinundan pa ng pagka-stroke ng kanyang ama. (Philip Reyes)