SINIBAK sa sa pwesto si Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen. Villamor Tuliao at ang buong District Special Operations Unit (DSOU) dahil sa alegasyon ng ‘extortion’ at ‘grave misconduct’ na kinasasangkutan ng walo niyang tauhan kaugnay sa pag-aresto sa Chinese nationals sa Las Piñas City na umano’y ninakawan ng mga alahas at P85 million..
Ang walong personnel mula sa DSOU ay kasalukuyang nasa restrictive custody na at isinalang na sa inquest proceedings, matapos silang akusahan ng malalang paglabag sa proseso at extortion.
Iniutos na ni National Capital Region Police Office chief, P/Major General Anthony Aberin ang “administratively relief” laban kay Tuliao sa gitna ng imbestigasyon sa “iligal” na operasyon ng kanyang mga tauhan laban sa isang Chinese national na kanilang pinili at tinangayan pa umano ng pera at mga alahas. Ito’y kasunod ng pagsibak din sa 31 na miyembro ng EPD-District Special Operation Unit (DSOU), kung saan kabilang ang walong pulis na nakatakdang iharap sa media ni DILG Secretary Johnvic Remulla .
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Marbil, hindi na ito tungkol lamang sa mga pasaway na opisyal—ito ay isang kabiguan ng pamunuan. Tiniyak din niya na walang ‘second chances’ sa mga sangkot.
“Ang mga kasangkot dito ay dapat tanggalin agad sa serbisyo at permanente nang ma-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno. Kung mapapatunayan na may pananagutan ang director sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility, hindi na siya pagkakatiwalaan sa anumang posisyon ng pamumuno,” ani Marbil.
Babala pa ni Marbil sa lahat ng police commanders sa buong bansa na kung hindi kayang panatilihin ang disiplina at magturo ng integridad sa kanilang mga hanay ay wala raw silang lugar sa organisasyong ito.
Pinakilos na rin niya ang Internal Affairs Service (IAS) at National Capital Region Police Office (NCRPO) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.
“Nililinis natin ang ating mga hanay—walang takot, walang pabor. Karapat-dapat ang mga Filipino sa isang kapulisan na kanilang mapagkakatiwalaan,” pahayag pa ng opisyal.
Inihayag naman ni NCRPO spokesperson P/Maj. Hazel Asilo na hanggang kahapon ay hindi umano lumulutang ang hepe ng DSOU na inaasahang mahaharap din sa reklamo.
“Wala pa pong info kung siya po ay nag-report na or nagpunta na ng Eastern (Police District) pero sa ngayon po naka-considered po siyang at large. Ang naka-restrictive custody pa lang po is ‘yong walo,” ani Asilo.
Samantala, iginiit naman ni Atty. Reginaldo Bucu, ang legal counsel na kumakatawan sa walong police officers, na legal at ‘properly authorized by higher police officials’ ang isinagawang operation ng kanyang mga kliyente.














