Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Sa kagustuhang maprotektahan ang mga Masbateño laban sa Communist Terrorist New Peoples Army, isang operasyon ang isinagawa ng 2nd Infantry Battalion sa Barangay Villahermosa, Cawayan, Masbate na nag resulta sa engkwentro nitong Lunes, na ikinamatay ng isang sundalo.
Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng 2IB sa umaaligid na mga armadong grupo sa kanilang lugar.
Dahil dito nagkasa ng operasyon ang tropa ng 2IB sa nasabing lugar kung saan kanilang nakasagupa ang nasa 12 miyembro ng CTG na tumagal ng limang minutong bakbakan,
Subalit minals na nahagip ng bala at ikinasawi ng sundalong kinilalang si Cpl Antonio Parreno Jr habang inaalam naman sa panig ng kalaban dahil sa mga naiwang bakas ng dugo sa direksyon sa mga nagsitakas na grupo.
Samantala, ilang armas naman ang nasamsam ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkwentro na kinabibilangan ng: isang R4 Assault Rifle; isang improvised pellet gun; tatlong cellphones; dalawang AP mines; isang binocular; dalawang improvised explosive device; apat na blasting caps; IED wires at ibang mga personal na kagamitan ng mga terorista.
Kaugnay nito, agad na nagpaabot ng taos pusong pakikiramay si Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia sa pamilyang naulila ng nasabing sundalo habang tiniyak naman ng heneral ang pagbibigay hustisya sa pagkamatay nito.
“Ako po, sampu ng buong pwersa 9ID ay taos pusong nakikiramay sa naulilang pamilya ni Cpl Parreno, alam ko po na hindi madaling tanggapin ang nangyari, ngunit tinitiyak po ng JTFB na hindi masasayang ang pagbubuwis niya ng kanyang buhay.
Dahil dito, magtutuloy-tuloy po ang operasyon ng ating mga tropa upang supilin ang CTG lalo na dito sa Bicolandia,” ani MGen. Bajao. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














