Winakasan ng isang 35-anyos na empleyada ang kanyang buhay kamakalawa ng umaga sa Tondo,Maynila, matapos na magbigti gamit ang extension wire, dahil umano sa malimit nilang pag-aaway ng nobyo na nasa abroad.
Ayon sa imbestigasyon ni PCP Christian Joseph Pineda ng Manila Police District -homicide section,alas- 9:30 ng umaga nang madiskubre ang pagbibigti ng biktimang si ‘Tess Lapus’, ng No. 536 Herbosa St., Tondo, Maynila.
Nabatid kay Renmar Manalang,28 at kasamahan sa trabaho ng biktima,na umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay para gisingin ang biktima pero sa kabila ng paulit-ulit na pagkatok ay hindi ito sumasagot kaya sumilip siya sa butas sa may pintuan.
Dito niya nakita ang biktima na nakabigti kaya tinadyakan niya ang pintuan para mabuksan. Kaagad niyang ginunting ang nakapulupot na wire extension sa leeg ng biktima pero matigas na ang katawan nito kaya ipinaalam niya sa Pritil -PCP ang nakita.
Sinabi ni Manalang na huling nakita ang biktima sa comfort room alas- 12 ng madaling araw.
Ayon kay Manalang, may mga post sa kanyang Facebook ang biktima na nagpaalam na ito sa kanyang mga kaibigan.
Hinihinalang labis na dinamdam ng biktima ang malimit na pag-aaway nila ng kasintahan tuwing magvi-video call.