MARIING kinondena ng Office of Civil Defense ang napaulat na paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) sa political campaigning ng ilang grupo.
“We have referred this matter to the National Telecommunications Commission (NTC) for appropriate investigation and action. The OCD is actively coordinating with relevant agencies to thoroughly investigate these incidents and ensure that those responsible are held accountable to the fullest extent of the law,” anang OCD.
Kinondena ng OCD ang paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa pangangampanya ngayong national and local election matapos makatanggap ng mga ulat ang kanilang tanggapan na maraming residente mula sa mga probinsiya ang nakakatanggap ng mga mensahe na hinihimok silang iboto ang partikular na mga kandidato.
Sa isang pahayag na inilabas ng OCD, binigyang-diin ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal at mapanganib ang paggamit ng ECBS bilang bahagi ng pangangampanya ng mga kandidato ngayong eleksyon.
Ayon sa ahensya, ang ECBS ay hindi dapat ginagamit sa pangangampanya dahil layunin ng programang nagpapatupad nito ay para lamang sa pagbibigay ng mga early warning o babala na may kaugnayan sa pagliligtas ng buhay at kagamitan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyong life-saving alerts tuwing emergencies gaya ng lindol, bagyo at ilan pang mga sitwasyon na maaaring makaapekto sa seguridad ng publiko.
Ang paggamit nito sa political purposes ay maaaring makaapekto sa pamamahagi ng mga emergency alerts at maaaring maging imminent threat sa buhay ng mga mamamayang Pilipino, at babala ng tanggapan sa mga kandidato na ang ECBS ay ginagamit para sa mga urgent emergency notifications at hindi para gamitin bilang campaign platform dahil sa maaari aniya itong pag-ugatan ng pagkalito lalo na kung dumating ang mga matitinding krisis sa bansa.
Sa ngayon ay kinumpirma naman ng ilang service providers na hindi nila ginagamit ang ECBS lalo na kung hindi ito para sa mga emergency purposes, habang iginigiit ng OCD sa mga telcos na panatilihing protektado ang integridad ng kanilang mga emergency alert systems at siguruhing gagamitin ito sa tama.