SA pagtatapos ng election period ay tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na susunod nilang tututukan ang mga naitalang election-related harassment sa hanay ng media.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Jose Torres, Jr., magsasagawa sila ng iimbestigasyon hinggil sa umano’y mga serye ng harassment, panggigipit at pananakot sa mga kawani ng media noong kasagsagan ng 2025 midterm elections.
Mariing ipinahayag ni Dir Torres na hindi palalagpasin ng task force ang mga naturang harassment na hayagang sumisikil sa kalayaan sa pamamahayag at pagsupil na magampanan ng mga kasapi ng media ang kanilang tungkulin.
Ang mga naturang aksyon, aniya, ay sumisira sa press freedom at sa mahalagang papel ng media sa halalan at sa buong democratic process.
Sinabi pa ng opisyal na hinding-hindi ito palalagpasin ng task force at maninindigan ito sa paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na mapapatunayang naglalagay sa buhay ng mga mamamahayag sa alanganin.
Kabilang dito ang kaso ng isang radio reporter sa Quezon City na umano’y nakaranas ng ‘intimidation’ mula sa isang grupo, habang nasa kasagsagan ng umano’y vote- buying incident sa naturang lungsod
Pangalawa ay ang pagbabantang natanggap umano ng mga news crew ng isang news station sa Nueva Ecija, habang ang panghuli ay ang pagbabanta umano ng isang Congressional candidate sa isang radio reporter sa Cordillera Administrative Region.
Kaugnay nito ay nanawagan si Director Torres sa publiko at mga kapatid sa media na nakaranas o nakasaksi ng mga pagbabanta o harassment, na i-dokumento at agad ipagbigay-alam sa awtoridad ang mga natatanggap na pananakot o pangigipit.
Nabatid na may tatlong insidente na hinihinalang election-related threat sa hanay ng media ang naitala ng ahensya.














