Magsisimula na ang election period sa bansa para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 6.
Sinabi ni Commission on Election(Comelec) Chairman George Garcia, magtatagal ang election period hanggang sa Disyembre 12.
Ayon kay Garcia sa pagsisimula ng election period, iiral na rin ang gun ban sa bansa.
Sa Oktubre 6 na rin sisimulan na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa BSKE, na magtatagal hanggang sa Oktubre 13.
“‘Yung gun ban, papasok na rin po sa October 6 na ‘yan. Sa kaalaman ng lahat, ‘yung mga nakakuha ng gun ban exemption nung 2022, aming nilalatag na ‘yung exemption na ‘yun ay carried over na hanggang dito para sa BSKE elections,” ani Garcia.
Nabatid na walang filing ng COC sa Oktubre 9, base na rin sa calendar of activities ng poll body, dahil natapat ito sa araw ng Linggo.
Habang ang campaign period naman aniya ay magsisimula sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 3.
Sa sandaling matuloy ang naturang halalan sa Disyembre 5, sisimulan ang botohan ng mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Samantala,itinakda naman hanggang sa Enero 4,2024 ang pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE). (Jaymel Manuel)