IPINAPATUPAD na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang eight hours duty ng bawat pulis, mula sa dating 12 oras.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang 12 hours-duty ng mga pulis ay humahantong sa kawalan nila ng oras sa kanilang mga pamilya. Humahantong din ito aniya sa pagtulog ng mga pulis sa kanilang mga police station.
Ayon kay Marbil, bahagi na rin ito ng kanyang naging kautusan na pagde-deploy ng mas malaking porsyento ng kapulisan sa mga lansangan.
Magugunitang iniutos ng heneral na 85% ng mga pulis ay dapat nasa mga lansangan at nagsasagawa ng pagpapatrolya.
Ang 85% na ito ay kumakatawan o katumbas ng 197, 200 na mga pulis sa mga lansangan sa buong bansa.
Ayon kay Gen. Marbil, ang mga ito ay bibigyan ng walong oras lang na duty upang pagkatapos ng kanilang tungkulin ay maka-uwi ang mga ito sa kanilang mga pamilya.