DALAWANG ARAW bago ang gaganaping ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ay nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP)na may umiiral na batas na nagbabawal at nagpapataw ng kaparusahan sa mga magsusunog sa mga pampublikong lugar.
Dahilan ito para palalahanan ng PNP ang mga militanteng grupo na iwasan na ang nakagawiang pagsusunog ng mga ‘effigy’ tuwing may kilos-protesta, lalo na sa darating na Lunes kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, mahigpit na ipagbabawal ng pambansang kapulisan ang pagsusunog ng effigies sa araw ng ikalawang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr.
“Naiparating na natin ang pakiusap na dini-discourage natin ‘yung pagsusunog ng effigy. May mga umiiral na batas pagdating sa pagsusunog sa public place,” ani Fajardo
Kasunod nito, umaasa ang opisyal na susunod ang mga militanteng hanay at susundin ang mga itinatakda ng batas. Bagama’t noong nakaraang taon ay pinagbigyan ang mga raliyista, ngayong taon ay hindi na umano ito pwede.
Ayaw din umano ng mga awtoridad na puwersahang buwagin ang hanay ng mga nagkikilos-protesta nang hindi natatapos ang kanilang programa, dahil lamang sa paglabag nila sa mga umiiral na batas o ordinansa.
Samantala, ‘it’s all systems go’ na ang PNP sa ikalawang SONA ni PBBM at wala rin aniyang seryosong banta na namo-monitor ang Pambansang Pulisya.
Nabatid na hahayaang magsagawa ng kanilang mga programa ang mga progresibong grupo mula alas- 8:00 ng umaga hanggang ala- una ng haponm habang ang mga grupong pro-government ay binibigyan ng mula alas -11:00 ng umaga hanggang alas – 5:00 ng hapon.
“The PNP has to intervene… hahayaan sila sa kanilang programa hangga’t gusto nila at doon sa permit na ibinigay sa kanila ay very clear doon: dito lang kayo and they should maintain discipline among their ranks,” ayon kay Fajardo.
Itinatayang mahigit sa 20,000 pulis ang ikakalat sa araw ng SONA ng Pangulo.