EDSA HOLIDAY PAY RULES, INILABAS NG DOLE

By: Baby Cuevas

NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Biyernes sa mga employers hinggil sa tamang pagbabayad ng sahod sa kanilang mga manggagawa sa ika- 39 anibersaryo ng EDSA People Power 1 sa darating na Pebrero 25.

Inilabas ng DOLE ng pay rules para sa nasabing araw, sa pamamagitan ng Labor Advisory 2, s. 2025, na nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, alinsunod sa Proclamation 727, s. 2024, na nagdedeklara sa EDSA 1 bilang special working day sa bansa.

Nakasaad sa pay rules na ang naturang araw ay ikukonsiderang isang ‘ordinary working day’ para sa layunin ng pagbabayad ng ‘wages at wage-related benefits’ ng mga manggagawa.


Kung ang isang empleyado ay hindi nagtrabaho sa naturang araw, ipaiiral ang ‘no work, no pay’ principle, maliban na lamang kung may paborableng company policy, practice, o collective bargaining agreement (CBA) na nagkakaloob ng bayad sa isang special working day.

Kung pumasok naman sa trabaho sa nasabing araw ang empleyado, dapat siyang bayaran ng kanyang employer ng 100% ng kanyang sahod para sa nasabing araw sa unang walong oras o Basic wage x 100%.

Kung mag-overtime naman ang empleyado o magtrabaho ng lampas sa walong oras, dapat siyang bayaran ng kanyang employer ng karagdagang 25% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw o Hourly rate of the basic wage x 125%.


Tags: Department of Labor and Employment (DOLE)

You May Also Like

Most Read