Maayos ang naging daloy ng impeachment trial nitong mga nakaraang linggo sa ilalim ng pamumuno ng Presiding Officer na si Senator Francis “Chiz” Escudero. Naging maingat at balanse ang kaniyang paghawak sa proceedings, habang mabilis namang nareresolba ang mga usaping lumilitaw sa impeachment court.
Kaya hindi maiwasang magtanong kung bakit habang maayos na nagpapatuloy ang paglilitis, may mga bagong alegasyon na naman tungkol sa umano’y pangangalap ng boto para sa magiging hatol.
Sa isang ulat, sinasabing kinakausap umano ni Escudero sina Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at ang mga Villar upang makuha ang 16 boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Seryoso ang ganitong alegasyon. Dahil dito, kailangan ding seryoso at malinaw ang ebidensiyang magpapatunay rito. Hindi maaaring gawing katotohanan ang isang paratang dahil lamang ito ay “reportedly” na naiulat.
Kung walang sapat na patotoo, dapat manatiling haka-haka ang isang political rumor at hindi agad ituring na katotohanan.
May epekto ang ganitong mga usapin sa kredibilidad ng impeachment process. Sa halip na mapagtuunan ng pansin ang testimonya, ebidensiya, at legal na argumento, nalilihis ang diskusyon patungo sa mga umano’y lihim na pag-uusap at vote-hunting.
Mahalagang tandaan na ang trabaho ng Presiding Officer ay pangasiwaan ang proceedings, tiyaking naririnig ang prosecution at defense, at ipatupad ang mga alituntunin ng impeachment court.
Ito ang tungkuling dapat tingnan at suriin batay sa aktuwal na pagganap, hindi sa mga haka-hakang maaaring lumabas sa labas ng impeachment court.
Normal din para sa mga senador ang mag-usap, magpalitan ng pananaw, at kumonsulta sa isa’t isa. Bahagi ito ng deliberasyon at hindi awtomatikong nangangahulugan ng vote-buying o horse-trading.
Kung bawat pag-uusap ng mga senador ay bibigyan agad ng masamang interpretasyon, mawawalan ng puwang ang normal na deliberasyon sa loob ng Senado.
Mas malaking problema kung ang ganitong mga alegasyon ay gagamitin upang kuwestiyunin ang magiging resulta bago pa man matapos ang paglilitis.
Kapag acquittal, maaaring sabihin ng isang panig na may nagmaniobra. Kapag conviction, maaaring sabihin naman ng kabilang panig na matagal nang inayos ang resulta.
Sa ganitong sitwasyon, kahit ano ang maging hatol, maaaring manatili ang pagdududa ng publiko.
At ang pinakamalaking talo rito ay ang kredibilidad ng impeachment court.
Kaya habang nagpapatuloy ang paglilitis, kailangan ng responsableng pagsusuri sa bawat alegasyon. Hindi sapat ang mga anonymous claim, political rumor o ulat na walang malinaw na pinagmulan upang bumuo ng konklusyon.
May sapat nang ingay sa paligid ng impeachment trial. Hindi na kailangang dagdagan pa ito ng mga intriga na maaaring maglihis sa publiko mula sa tunay na usapin.
Ang impeachment court ay may proseso. May testimonya. May ebidensiya. May mga argumentong dapat timbangin.
Hayaan nating ang mga ito ang manaig.
At sa huli, ang magiging hatol ay dapat manggaling sa ebidensiya at sa mga argumentong iniharap sa paglilitis, hindi sa mga intriga sa labas ng impeachment court.














