Ipupursige umano ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng early voting para sa vulnerable sectors sa lahat ng polling precincts sa susunod na eleksiyon.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, naging matagumpay ang isinagawa nilang early voting sa Naga City, Camarines Sur at Muntinlupa City, kaya’t kahit pa walang Early Voting Law sa susunod na halalan, ay ipupursige nila ang pagpapatupad nito para sa mga senior citizen, mga buntis, at mga persons with disabilities (PWDs).
“Talagang ipupursige na po natin by next election, kung wala talaga ang Early Voting Law, ang early voting hours talaga nationwide na po nating gagawin ‘yan,” pahayag pa ni Garcia, sa isang pulong balitaan nitong Martes.
Kasabay nito, iniulat ni Garcia na sa Muntinlupa City ay nasa 1,177 PWDs, 13,768 senior citizens, 218 assistants, at 75 na buntis ang nakaboto sa early voting hours habang nasa 594 PWDs, 7,732 senior citizens, 298 assistants, at 108 buntis naman ang nakapag-avail ng early voting sa Naga City, Camarines Sur.
Sinabi ni Garcia na kahit unang pagkakataon pa lamang nila inilunsad ang early voting hours ay marami na ang nag-avail nito.
Nangangahulugan lamang aniya ito na maraming tao ang gusto talagang makaboto ng maaga upang hindi makasabay ng karamihan.
Matatandaang sa ilalim ng early voting hours na inilunsad nitong 2023 BSKE, pinahintulutan ang mga PWDs, mga buntis, mga senior citizens at kanilang mga alalay, na makaboto ng alas-5:00 ng madaling araw.
Ito ay dalawang oras na mas maaga kumpara sa aktuwal na pagbubukas ng polling precinct sa ganap na alas-7:00 ng umaga.














