E-SABONG OPERATION, PINATIGIL NA NG DILG; BETTING STATIONS, PINASASARA NA

SINIMULAN na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipasara kahapon ang operasyon ng e-sabong sa bansa.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kasama na rito ang live show at mga betting station ng “online-sabong”.


Samantala, sinabi naman ni Charlie “Atong” Ang, may-ari ng Lucky 8 Star Quest Inc. na nago-operate ng e-sabong firm na Pitmasters Live na itinigil na nila agad kahapon ang kanilang operasyon bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Duterte.

Bunsod ng mga nasabing hakbang ng Malacanang at ng DILG ay nagbabala ang isang mambabatas sa pamunuan ng naman ng mga electronic payment tulad ng G-cash na maaaring silang sumabit o may kaukulang kaso na kakaharapin kapag nagpatuloy pa rin ang transaksyon sa online sabong.

Inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan sa pagpapahinto ng operasyon online sabong. Sa naturang kautusan, May 3 ng gabi dapat tigil na ang operasyon ng e-sabong subalit may ilan pa rin ang sinasabing tuloy ang operation.


Sinasabing kapag lumabag ang online sabong sa naturang kautusan at magpatuloy pa rin ang operasyon nito, kasabay ng pagpapatuloy rin ng transaksyon ng electronic payment, tiyak na may malaking pananagutan ito sa batas.

Nabatid na bigong maihabol ngayong 18th congress ang mga nakabinbing franchise bills ng e-sabong dahil sa kakulangan ng oras kaya naman maituturing na itong patay sa ngayon.


Kinukuwestyon ng ilang sector ang isyu ng prangkisa ng mga Online Sabong. Sinasabing marami ring mga katanungan sa pagpapasa ng prangkisa ng online sabong lalong-lalo na kung maikokonsidera ba itong public utility dahil ang mga public utilities lang ang ginagawaran ng prangkisa at hindi ang online gambling. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG )

You May Also Like