E-REGISTRATION, PLANONG IPATUPAD NG COMELEC

By: Jerry S. Tan

INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) ang plano nitong na makapagdaos ng online o e-registration sa susunod na voter registration sa Oktubre 2025, kung tuluyan nang maisabatas ang panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa susunod na taon, habang pumalo naman sa 2.7 milyon ang bilang ng botanteng nagparehistro sa 10-araw na nationwide voter registration na idinaos ng (Comelec) para sa BSKE na halos doble sa 1.5 milyong registrants na target ng poll body.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, dati nang imina-mandato ang online registration ngunit plano umano nilang ipatupad at palakasin ang implementasyon nito.


“Dapat meron na tayong online registration. Mayroon na tayong mandato na kaya lang di siguro na-highlight. Amin pong patitibayin at paiigtingin ang e-register natin,” ani Garcia.

Sa ilalim ng e-registration system, ang mga aplikante ay magsusumite ng forms online at matapos ito ay bibigyan sila ng petsa kung kailan sila magtutungo sa lokal na tanggapan ng Comelec para magpakuha ng biometrics.
“Almost sure na ito ay ipapatupad natin, ‘yung e-register. Subalit kailangan pa rin pumunta sa local Comelec para lang magpa-picture, sign, at kuhanan ng fingerprints. Kailangan namin yun para sa biometrics at maikumpara namin sa existing registration,” aniya.

Kaugnay nito, iniulat rin naman ni Garcia na sa kabuuan ay naging mapayapa ang katatapos na 10-araw na voter registration matapos na makapagtala ng halos 2.8 milyong registrants at ito na aniya ang itinuturing na pinakamatagumpay na voter registration sa kasaysayan.


“Overall, generally peaceful ang ating registration. Napaka-matagumpay po ito. Again, inuulit natin, ito ang pinakamatagumpay na registration sa kasaysayan ng buong Commission, ng registration, ng ating election,” saad ni Garcia.

Dagdag pa niya: “Nakakatuwa, sampung araw almost 2.8M ang nagpa-rehistro…Nalagpasan pa ang registration na ginawa namin nitong nakaraang taon.”


Matatandaang ang voter registration para sa 2025 BSKE ay idinaos nila noong Agosto 1 at nagtapos noong Agosto 10 at sinabi ni Garcia na kung tuluyan nang maging batas ang panukalang ipagpapaliban ang December 1, 2025 BSKE sa Nobyembre 2026, ay muli silang magdaraos ng voter registration sa ikatlong linggo ng Oktubre hanggang sa Hulyo 2026.

Samantala, nabatid na 2,727,643 ang kabuuang bilang ng aplikasyon na natanggap ng Comelec sa voter registration na idinaos nila mula Agosto 1 hanggang 10. Sa naturang bilang, pinakamaraming naitalang nagparehistro sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 324,017.


Sinundan ito ng Negros Island Region (NR) na nasa 234,032; Region III (Central Luzon) na nasa 220,650; at Region V (Bicol) na nakapagtala ng 206,845. Ang National Capital Region (NCR) naman ay nakapagtala ng 188,702 registrants at pinakamababa naman ang bilang ng mga nagparehistro sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 48,757.

Ang Special Register Anywhere Program (SRAP) sites sa Metro Manila kung saan nagdaos ng special registration mula Agosto 1 hanggang 7 ay nakapagtala ng kabuuang 10,549 aplikasyon.

Ayon pa kay Garcia, ang katatapos na voter registration para sa 2025 BSKE ay ang itinuturing nilang pinakamatagumpay na voter registration sa bansa sa kasaysayan ng Comelec, matapos na makapagtala ng pinakamaraming nagparehistro sa napakaikling panahon lamang.



Tags: Commission on Elections (Comelec) commissioner George Erwin Garcia

You May Also Like