Ni MARK ALFONSO
HINDI nakadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Batasang Pambansa kahapon.
“Di yata. Galing po siya sa China, medyo pagod. Nasa Davao po siya… Kakarating lang niya nu’ng Sabado,” wika ni Senador Christopher “Bong” Go sa ambush interview bago ang opening ng Second Regular Session ng 19th Congress sa Senado.
Sa kabila nito, tiniyak ni Go na manonood pa rin si Duterte ng SONA ni Pangulong Marcos.
“I’m sure, as former president, nag-mo-monitor naman po si dating pangulo, not only sa SONA but sa kalagayan ng ating bayan,” sabi ni Go na nagsilbi bilang special assistant ni Duterte bago siya nahalal na senador noong 2019 election.
Noong nakaraang linggo bumiyahe si Duterte sa Beijing upang makipagkita kay Chinese President Xi Jinping kung saan nagkaroon siya ng mainit na relasyon sa panahon ng kanyang administrasyon mula noong taong 2016 hanggang 2022.
Walang ibinunyag na detalye kung ano ang napag-usapan nina Duterte at Xi sa pulong na ginanap sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing, ngunit sinabi ng mga opisyal ng China na umaasa silang patuloy na gaganap ng mahalagang papel si Duterte sa para sa pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at China.














