Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa anito’y dumadalas na paggamit ng mga sindikato sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa pagpuslit ng iligal na droga.
Batay sa impormasyong naiparating sa mga awtoridad, may dalawang uri ito: ang pag-recruit sa mga indibidwal para sa trabaho sa ibang bansa, kabilang ang pagiging domestic helper; at ang paggamit ng alok na libreng “tour” o fully sponsored na biyahe upang makumbinsi ang mga tao na bumiyahe, kung saan pinaniniwalaang inilalagay ang droga sa bagahe nang hindi alam ng mismong OFW.
Bilang ahensyang may mandato sa pagbabantay sa mga pantalan at paliparan, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na pinalalakas ng BOC ang mga hakbang sa border control upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan ang BOC sa DMW upang matiyak na maiparating sa mga OFW ang kaukulang paalala at impormasyon hinggil sa ganitong uri ng panlilinlang.
Binigyang-diin niya na mahalagang maprotektahan ang mga OFW laban sa mga sindikatong nagsasamantala sa kanilang kagustuhang makapagtrabaho para sa pamilya.
Iniulat ng BOC-NAIA na pinamumunuan ni District Collector Atty. Yasmin Mapa na umabo na sa halagang ?479 milyon ang kabuuang nasabat na iligal na droga ng BOC-NAIA mula pagpasok ng taong 2026 pa lamang.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), gayundin nina entry processing division chief Dr. Mark Jhon Almase at BOC-NAIA deputy collector for passenger services Karen Go.
Ayon kay Mapa, ang BOC-NAIA ay walang humpay sa pagpapalakas ng operational controls at inter-agency coordination upang magkaroon ng ‘sustained pressure’ laban sa mga drug smuggling networks na ginagamit ang mga air cargo at courier route sa kanilang iligal na operasyon. Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay kinabibilangan ng shabu, marijuana at ecstasy ay hindi biro ang halaga at quantity.
“Kinikilala natin na ang kapakanan ng mga OFW ay pangunahing saklaw ng DMW, at nakikipagtulungan tayo nang malapit sa kanila upang matiyak na hindi magagamit ang ating mga kababayan sa anumang iligal na gawain. Sa panig ng Bureau of Customs, paiigtingin natin ang pagbabantay sa ating mga paliparan at pantalan upang hadlangan ang pagpasok ng ilegal na droga at masiguro na may mananagot sa likod ng mga operasyong ito,” ani Nepomuceno.
Pinapayuhan ang mga OFW na makipag-ugnayan sa DMW at tiyaking lehitimo ang kanilang recruitment agency at employer bago bumiyahe. Mahalaga ring personal na inimpake at nabantayan ang kanilang mga bagahe at huwag tatanggap o magdadala ng anumang pakete mula sa ibang tao kung hindi tiyak ang laman at pinagmulan nito.
Patuloy ang koordinasyon ng BOC sa DMW at iba pang kinauukulang ahensya upang maprotektahan ang mga manlalakbay at mapanatiling ligtas ang ating mga hangganan laban sa ilegal na droga.
Napag-alamang umabot na sa halagang P479 milyon ang kabuuang nasabat na iligal na droga ng Bureau of Customs-NAIA (BOC-NAIA) mula pagpasok ng taong 2026 pa lamang, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin Mapa at kaagapay din ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), pati na sina entry processing division chief Dr. Mark Jhon Almase at BOC-NAIA deputy collector for passenger services Karen Go.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay kinabibilangan ng shabu, marijuana at ecstasy.














