NAGBITIW nitong Miyerkules si Secretary Alfredo Pascual bilang hepe ng Department of Trade and Industry (DTI), ayon sa Presidential Communications Office (PCO). Ito ay magiging epektibo sa Agosto 2, 2024.
Napag-alamang nkipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay Pascual sa Malacañan para tanggapin ang kanyang pagbibitiw, upang bumalik sa pribadong sektor.
“Tama ang kanyang pagtutok sa mga MSME, at nagsisimula na kaming makita ang mga bunga ng patakarang iyon. Ikinalulungkot namin na mawala siya, ngunit iginagalang namin ang kanyang desisyon na ito na ang panahon para bumalik siya sa pribadong sektor,” ani Pangulong Marcos.
Diumano, ang paghahanap para sa kahalili ni Pascual ay agad na magsisimula upang matiyak ang tuluy-tuloy na paglipat at pagpapatuloy sa mga hakbangin ng DTI.
Bago naitalagang miyembro ng Gabinete, si Pascual ay nagsilbi bilang presidente ng Unibersidad ng Pilipinas mula 2011 hanggang 2017 at presidente ng Management Association of the Philippines,
Nagpasalamat si Pascual sa pagkakataong maglingkod sa administrasyong Marcos at inilarawan niya ang kanyang panunungkulan bilang isa sa mga pinaka-mapanghamon ngunit kasiya-siyang panahon ng kanyang karera, lalo at higit ang mga makabuluhang tagumpay ng DTI sa panahon ng kanyang pamumuno.
Ayon kay Pascual, ang kanyang desisyon na bumaba sa puwesto ay bunsod ng masusing pagsasaalang-alang. Balak umano niyang bumalik sa pribadong sektor habang ine-enjoy ang mas maraming oras kasama ang kanyang pamilya.














