Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Nahukay ng pinag-isang pwersa ng 22nd Infantry Battalion at ng Philippine National Police (PNP) ang isang drum na may lamang mga maka-teroristang kagamitan sa Barangay Calmayon, Juban, Sorsogon .
Kasunod ito ng pagsuko ng isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa otoridad kahapon na kinilala sa alyas na Ka Gohan (dating miyembro ng Platoon 1, L2, KP3) kung saan isinuko rin nito ang isang kalibre .38 na revolver.
Mismong si Ka Gohan ang nagturo sa pinagtataguan ng mga nasabing maka-teroristang kagamitan kung saan nadiskobre ang isang drum na naglalaman ng isang M-1 carbine, isang AR-9, isang KG-9, isang Molotov, 350 ng mga bala para sa M16, nasa 10 metrong kable na gamit sa pampasabog, at iba pang medical paraphernalias.
Ang nasabing mga kagamitan ay agad naman na inalis ng otoridad sa lugar upang mailayo sa kapahamakan ang mga residenteng malapit sa lugar.
Ayon kay Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia (JTFB), ang pagkakadiskobre sa nasabing mga kagamitan ay patunay lamang ng patuloy na pagpa-plano ng CTG na maghasik ng kasamaan sa Bicol. Kaya malaking tulong sa otoridad ang tiwala at ang mga impormasyon ng publiko upang mapigilan ang mga masasamang plano ng teroristang grupo.
“Malugod nating tinatanggap ang sinumang miyembro ng CTG na nagnanais na magbagong buhay at alam naming naging biktima rin sila ng mga propaganda at mga pangako ng kanilang grupO. Nagpapasalamat din po kami kay Ka Gohan at sa kooperasyon at pakikipag ugnayan ng mamamayan na nagresulta sa pagkakakuha ng mga kagamitang pang terorista na maari pa sanang magamit sa paghahasik ng karahasan ng CTG,” ani MGen. Bajao. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)