Drug war, itutuloy ni Isko pero walang ‘tokhang’

ITUTULOY ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno ang giyera laban sa iligal na droga ng gobyerni pero walang magaganap na Tokhang kapag pinalad na maihalal bilang susunod na Pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 9.

Sinabi ni Moreno na paiigtingin pa niya ang kampanya laban kontra ilegal na droga, pero hindi niya papayagan ang mga alagad ng batas na kumatok sa mga pintuan ng mga tahanan ng mga drug suspects, maliban na lamang kung armado ang mga ito ng search o arrest warrant.

“As long as there is search warrant and warrant of arrest. Under the law you can do that any time of the day. As I have said. Tuloy ang war on drugs, tapos kikilalanin natin yung mga batas na umiiral at yun ang ipatutupad natin,” ani Moreno .


Magugunita na umani ng kritisismo ang naturang programa ng pamahalaan matapos na ilang mga drug suspects ang mapatay sa mga operasyong ikinasa ng mga awtoridad nang manlaban ang mga ito habang inaaresto.

Sinabi naman ni Moreno na higit pa sa mga users at street-level pushers, ipopokus niya ang mga government resources para tugisin ang mga big-time distributors ng mga ipinagbabawal na gamot.

“Basta ako, tuloy-tuloy lang yung war on drugs. At ito yung war on drugs kung saan hindi natin tino-tolerate yung pagbebenta ng droga. But the thing is we must go to the source. Tayo, we’ll go after the source,” dagdag ni Moreno.

Aminado naman si Moreno na ang kampanya ng administrasyong Duterte ay nakapagpatigil sa ilang sindikato mula sa pagmanupaktura ng ilegal na droga sa bansa, gayunman, binabaha pa rin aniya ang Pilipinas ng ilegal na droga. (Philip Reyes)


Tags: Manila Mayor Isko Moreno

You May Also Like

Most Read