DRUG TEST FEE NI VM RESPICIO, NI-REIMBURSE NG DILG

By: JESSE RUIZ

Ni-reimburse ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang P28,011 na ginastos ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio para sa kanyang drug test.


Bunsod ito ng hamon ni Remulla kay Respicio nang mag -viral sa social media ang naging asal ng bise-alkalde sa isang forum sa kanilang lalawigan.

Sa isang comment sa Facebook post ni Respicio, nag-post si Remulla ng screenshot ng GCash transaction na nagpapakitang nagpadala na siya ng P28,011 ngayong araw (October 8) kasama ang mensaheng “Eto na. Happy?”

Sa mensahe sa media, kinumpirma ni Remulla na bayad na ito. Ginamit daw niya ang account ng kanyang assistant dahil wala siyang sariling e-wallet application.


Matatandaang hinamon ni Respicio si Remulla na i-refund ang P28,000 na ibinayad niya sa drug test, matapos siyang sabihan ng kalihim na mukha siyang gumagamit ng ilegal na droga dahil sa kanyang naging asal sa regular session ng bayan, kung saan pinagsisigawan nito ang mga kapulong na kapitan ng barangay.

Agad namang nagpa-drug test si Respicio noong Oktubre 7, 2026 at ayon sa resulta na kanyang isinapubliko, negative umano siya sa paggamit ng ilegal na droga.




Matapos ilabas ang resulta, sinabi ni Respicio na nais niyang ipa-reimburse kay Remulla ang kanyang naging gastos.

Sa Facebook post, ini-upload ni Respicio ang QR code ng kanyang Gcash account kung saan maaaring ibayad ni Remulla ang P28,011 na ginastos nito.


“Jonvic, ito QR code. Pa-GCash P28,011. Reimbursement for drug test,” ani Respicio.Inupload pa nito ang invoice na nagpapakita ng gastos sa drug test na nasa P28,000.

Nakita sa resulta na negatibo si Respicio sa methamphetamine, tetrahydrocannabinol (THC), cocaine, ecstasy, benzodiazepines, opiates, propoxyphene, at tricyclic antidepressants.

Tinugunan naman ito agad ng kalihim at ipinadala ang buong halaga nitong Huwebes.


Binati din ni Remulla si Respicio sa negatibong drug test result at sinabing, “Now that it’s confirmed that he’s not on shabu, totoo na talaga na natural ang sayad ng utak niya.”

Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla

You May Also Like

Most Read