APAT na kalalakihan ang nadakip nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at local police ang isang nadiskubreng drug den sa Barangay Lorenzo, San Pedro City, Laguna.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, nagkasa ng anti- narcotics operation ang mga operatiba ng PDEA Laguna Provincial Office katuwang ang San Pedro City Police Station.
Apat na drug personalities na ang nahuli sa inilatag na buy-bust operation na nagresulta din sa pagwasak sa nadiskubreng drug den sa lugar.
Kinilala ang mga suspek na sina Nehru Bautist y Cruz alias Nehru, 55, machinist at sinasabing drug den maintainer; Donald Tinio y Guarino alias Negro, 52, jobless; Ronaldo Lopena y Bideña alias Oni, 51, tricycle driver at Merbin Villate y Villafuerte alias Mervs, 40, foreman.
Itinatayang nasa pitong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P47,600.00 ang nakumpiska ng mga awtoridad kasama ng ginamit na buy-bust money at mga drug paraphernalia.
Inihahanda na ang isasampang kaso kaugnay sa paglabag sa Republic Act No 9165 laban sa mga suspek.