Nabuwag ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office XI ang isang drug den sa Purok Carig, Barangay Mankilam, Tagum City na nagbunga ng pagkakadakip sa target na drug personality at ilang parukyano nito.
Sa report ng mga operatiba kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, kinilala ang suspek na si Emma Latu-ab @ Emma, 46, na nadakip ng PDEA matapos mabilhan ng isang PDEA Agent na umaktong poseur-buyer ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na umano’y methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu, na tumitimbang ng isang gramo na nagkakahalaga ng P10,000.
Arestado rin ng mga operatiba ang kanyang kapartner at kasabwat sa pagbebenta ng droga na si Edgar Tilacan at ang bisita sa loob ng drug den na si Rudelyn Parallon.
Nasamsam din sa operasyon ang limang piraso ng heat- sealed transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu na may iba’t-ibang laki at humigit-kumulang na nasa pitong gramo na itinatayang nagkakahalagang P57,600.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.














