Isang drug den ang nalansag habang sampung katao ang inaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Lumbangan, Nasugbu, Batangas.
Nitong Abril 6, 2025 sa ganap na 2:03 ng madaling araw, ang mga pinagsamang operatiba ng PDEA Batangas Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group at Nasugbu Municipal Police Station ay naaresto ang mga suspek na nakilalang sina alias Bioman, target-listed drug personality, 51; alias Pido; alias Wong, 45; alias Pin, 42, construction worker; alias Mark, 41, junk collector; alias Joseph, 27, Mechanic; alias Edgardo, target-listed, 36, junk shop helper; alias Michael, target-listed, 42, construction worker; alias Edison, 19, laborer at alias Angelito, 42, tricycle driver. Lahat ay pawang mga kalalakihan at residente ng Nasugbu, Batangas.
Nakuha sa mga nadakip ang humigit- kumulang na 10 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P68,000, iba’t- ibang klase ng drug paraphernalia at buy-bust money.
Mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 7 (Employee/Visitor of a Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) and Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ang kinakaharap ng mga suspek na ngayon ay nasa kostodiya na ng PDEA Region 4A Custodial Facility sa Santa Rosa City, Laguna.














