Drone systems operator na responsable sa inverted na watawat ng Pinas sa drone show ng Palarong Pambansa, pinakakasuhan ni Mayor Marcy

By: Philip Reyes

Ipinag-utos ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang pagsasampa ng kaso sa drone systems operator, na responsable sa pagdi-display ng inverted na watawat ng Pilipinas sa idinaos na drone show para sa closing ceremony ng 63rd Palarong Pambansa nitong Sabado.

Sa isang pahayag nitong Linggo, mariing kinondena ng Marikina City Government, na siyang host ng Palaro 2023, ang naturang insidente kung saan ay baligtad ang watawat ng Pilipinas na ipinakita sa drone show na isinagawa ng supplier nito na si DroneTech Philippines, para sa closing ceremony ng aktibidad, na isinagawa sa Marikina Sports Center.

“Sa selebrasyon ng pagtatapos ng 63rd Palarong Pambansa ay parte ng programa ang isang drone show mula sa supplier ng lungsod na Dronetech ph,” anang Marikina LGU. “Sa nasabing Drone Show ay nagkaroon ng pagkakamali sa formation ng bandila ng Pilipinas kung saan pula ang nasa ibabaw at asul ang nasa ibaba.”


Dagdag pa nito, “Mariing kinondena ng Marikina City Government sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ang pangyayari at pinapakasuhan ang Dronetech ph upang madetermina ang mga legal na pananagutan ng kumpanya kasama na rin ang mga kalakip na kaparusahan at multa.”

Samantala, kaagad rin namang humingi ng paumanhin ang DroneTech hinggil sa naturang malaking pagkakamali.

“We would like to apologize to the City of Marikina, Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, and to the whole country it’s people and the Philippine government for a grave error we have made in the drone show programming of the colors red and blue of our Philippine flag which were interchanged,” anito. “We at the Dronetech PH apologize for the inconvenience our Drone Show has caused at the Palarong Pambansa Closing Ceremonies held at Marikina Sports Center this evening.”

Isinisi rin ng kumpanya ang pagkakamaling naganap sa masamang panahon at signal interference sa lugar, kaya’t hindi nila nagawang testingin ang palabas bago ito tuluyang naisagawa.


“We would like to clarify that this error in the Drone Show programming which was supposed to be tested days before could have been noticed and corrected [but] was not successfully done due to severe weather conditions and signal interference on the said area for several nights,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin pa nito na wala silang anumang malisya o masamang intensiyon sa nangyari.

“Moving forward we will make sure to execute proper protocols in testing our future shows. The company is sincerely sorry for this unintentional error in programming,” pahayag pa nito. “As God is our witness, we have innocently made this mistake and have no malice or bad intentions to anyone and the people of Marikina and the Philippines as a whole. Once again, we apologize for any inconveniences this has caused and we are hoping for your kind understanding in this very unfortunate event.”

Alinsunod sa batas, sa panahon ng kapayapaan, ang watawat ng Pilipinas ay dapat na itinataas ng pahiga, kung saan ang asul na bahagi nito ang dapat na nakataas habang ang pula naman ay nasa ilalim.


Ang Palarong Pambansa 2023 ay sinimulan noong Hulyo 31 at nagtapos nitong Sabado, Agosto 5.

Tags: Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro

You May Also Like

Most Read