Agad na nasawi ang isang di pa nakikilalang driver matapos bumangga ang harapang bahagi ng kanyang minamanehong multi-purpose Vehicle (MVP) sa nakaparadang trailer truck kahapon ng umaga sa may panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Moriones Street sa Tondo Maynila.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit- Vehicle Traffic Investigation Section, inilarawan ang biktima na nasa edad 40-50, naka-stripe na polo at nagmamaneho ng Mitsubishi Xpander na may plate number NGX- 5776.
Dakong alas-8:30 ng umaga, habang binabagtas ng biktima ang lugar ay bumangga ang sasakyan nito sa nakaparadang tractor head na may plakang AAR 2235 at minamaneho ni Jomar Generaldo, ng No. 116 Balubaran, Malinta, Valenzuela City.
Dahil sa lakas ng impact ay napipi ang harapang bahagi ng MVP at naipit ang ang biktima sa loob, na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente.