Sumuko na ang driver ng motorsiklo na lulan ang bumaril at pumatay sa retired Manila policeman na security aide ni Mayor Isko Moreno.
Napag-alaman na sa isang dating pulis na taga-Tondo sumuko ang driver na si alyas ‘Biboy,’ na ngayon ay nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) homicide section, habang patuloy ang paghanap sa kanyang backride na siya umanong pumatay kay George Capistrano, 56.
Anang suspect, inutusan siya ni Albert na sundan ang biktima nang makita ang bracelet nito.
Hindi umano niya alam na papatayin pala ang biktima at dahil diyan ay humingi siya ng tawad sa pamilya ng biktima at hinimok din niya si Albert na sumuko na rin.
Sa Pampanga umano sila nagtuloy kung saan naibenta nila ang nakuhang alahas sa halagang P300,000. Ani ‘Biboy’, P100,000 umano ang ibinigay sa kanya.
Matatandaang si Capistrano ay hinoldup at pinatay sa harapan ng kanyang tahanan dakong alas-12 ng umaga nitong Marso 15.
Naganap ang insidente malapit sa kanto ng Salonga at Buendia Streets, Barangay 134, Balut, Tondo.














